MANILA, Philippines - Nanalo umano bilang senador si Aquilino “Koko” Pimentel III sa halalan noong 2007 at hindi ang mahigpit na karibal niyang si Miguel Zubiri na nakaupo ngayon sa mataas na kapulungan bilang ika-12 senador na ipinroklama ng Commission on Elections.
Ito ay makaraang pumabor kay Pimentel ang ballot recount ng Senate Electoral Tribunal na ang basehan ay ang tinatawag nilang “pilot precincts”.
Base sa pilot precincts recount, umabante si Pimentel ng mahigit 200,000 boto laban kay Zubiri.
Ang pilot precincts na nagpatibay sa panalo ni Pimentel ay ang mga bayan ng Buluan, Ampatuan, Paglat at Guindulungan sa Maguindanao; Sultan Naga Dimaporo, Slavador at Matungao sa Lanao del Norte; Sultan Kudarat sa Shariff Kabunsuan at Tapul, Sulu.
Ayon sa datos ng Comelec, tinalo ni Zubiri si Pimentel sa pamamagitan ng mahigit 19,.000 boto na nagmula umano sa pinagtalunang resulta ng halalan sa Maguindanao.
Sa panig naman ni Zubiri, iginiit nito na, bilang isang abogado marapat lamang na hintayin ni Pimentel ang proseso hanggang sa matapos ito at bago gumawa ng pinal na konklusyon. (Butch Quejada)