MANILA, Philippines - Tumulak na kagabi patungong Los Angeles ang ilang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) para sunduin si dating police Senior Superintendent Glenn Dumlao na akusado sa Dacer-Corbito double murder case.
Kinumpirma kahapon ni NBI Director Atty. Nestor Mantaring na wala na umanong legal na balakid para pauwiin sa Pilipinas si Dumlao.
Sina Atty. Claro de Castro Jr., hepe ng NBI-Interpol Division, at Head Agent Arnel Dalumpines, hepe ng Special Task Force (STF) ang naka-schedule sa pagsakay sa PAL flight, alas-10 ng gabi.
Ang mga US Marshals ang nakatakdang mag-turn over kay Dumlao sa NBI team sa Los Angeles airport, ilang oras bago ang takdang pag-extradite sa kanya pabalik ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor na inaasahang sa araw ng Linggo, alas-5 ng umaga lalapag ang sasakyang eroplano ni Dumlao sa NAIA.
May tatlong affidavit si Dumlao na pinirmahan noong Hunyo 12, 2001, Mayo 20, 2003 at March 2, 2007.
Sa unang affidavit itinuro ni Dumlao si dating PNP chief at ngayon ay Sen. Panfilo Lacson na siyang utak sa pagpatay, sa ikalawa, sinabi nito na tinorture lang siya upang isangkot ang Senador sa kaso at ang panghuli ay pag-affirm nito sa nauna niyang affidavit. (Ludy Bermudo/Gemma Amargo-Garcia)