ZAMBOANGA CITY, Philippines - Sinusuyod na ng tropa ng militar at pulisya ang mga hideout o kuta ng mga bandidong Abu Sayyaf Group upang tuldukan na ang terorismo na inihahasik ng teroristang grupo sa Western Min danao partikular na sa Sulu at Basilan.
Alinsunod sa direktiba ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na huwag ng pakawalan ang pagkakataon na durugin ang mga bandido ngayong wala na ang mga itong bihag, sinabi ni AFP-Westmincom Chief Major Gen. Ben. Dolorfino na uunahin nilang arestuhin ang mga nalalabi pang top leaders ng Abu Sayyaf sa Sulu na sina Albader Parad, Abu Jumdail alyas Doc Abu Pula at Radulan Sahiron, habang sa Basilan ay nangunguna sa listahan sina Furuji Indama, Nurhassan Jamiri at Tahir Mundos.
Sa ibinabang kautusan ni Teodoro, nais nito na tapusin na ang Abu Sayyaf at dapat itong isagawa kaagad upang hindi na makadagdag problema pa sa 2010 national elections.
Ang grupo nina Parad at Pula ay responsable sa pagbihag sa tatlong ICRC workers.
Ang grupo naman ni Indama ang responsable sa pamumugot ng ulo ng 10 sa 14 nasawing tauhan ng Philippine Marines na nakorner ng mga bandido sa bayan ng Al Barka, Basilan noong Hunyo 10, 2007.
Nabatid kay 1st Marine Brigade Commander Brig. Gen. Rustico Guerrero na tinatayang nasa 80 hanggang 100 bandido ang target ng kanilang operasyon sa Basilan.