MANILA, Philippines - Dalawa pang Pinoy ang itinumba ng AH1N1 virus o swine flu, matapos na isang tripulante ang tamaan nito habang nasa barko at nakadaong sa Hongkong at isang 43-anyos na guro sa Muntinlupa.
Sa ulat ni Consul General Claro Cristobal sa Department of Foreign Affairs, dalawang malubhang sakit ang tumama sa 42-anyos na seaman. tubong La Union, tulad ng Mithilin-Resistant Staphylococcus Aureus na isang mabagsik na bacteria.
Ngunit lumabas din sa pagsusuri sa kanya noong nakaraang Huwebes na nagpositibo din siya sa AH1N1 virus, bukod pa sa naturang sakit na siyang unang dahilan umano ng kamatayan nito.
Ang naturang Pinoy ay sakay ng Greek registered container ship na MCS Mykonos.
Umalis ang barko noong Hunyo 30 ngunit makalipas ang tatlong araw ay inatake na ng lagnat, ubo at pananakit ng dibdib ang seaman kaya agad na bumalik ng HK ang barko at isinugod sa ospital ang biktima at nanatili sa Intensive Care Unit nang magsimula ng makaranas ng respiratory failure. Makalipas ang dalawang araw ay namatay din ito.
Mabilis naman iniutos ng health officials sa Beijing na hanapin ang 20-crew ng MCS Mykonos na nasa China ngayon para maisailalim sa quarantine.
Samantala, bago bawian ng buhay ang 43-anyos na babaeng guro sa Muntinlupa ay naisugod pa umano ito sa ospital ngunit tuluyan ng hindi nakalaban ang immune system nito sa AH1N1 virus.
Agad na nagsagawa ng disinfection ang Department of Health sa buong paaralang pinapasukan ng biktima at masusi din hinahanap ang mga huling nakasalamuha nito.
Ipinag-utos naman ni Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro ang pagpapalabas ng pondo para ibili ng oseltamivir o tamiflu at maipamahagi sa flu patients ng lungsod at mamamahagi ng face mask sa lahat ng itinuturing na high risk na nakasalamuha ng biktima.
Sa record, may tatlo ng nasawi sa AH1N1 virus na kinabibilangan ng 73-anyos na lalaki, 19-anyos na dalaga at 51-anyos na kawani ng Kongreso.