MANILA, Philippines – Binira kahapon ni Atty. Ferdinand Topacio, abugado ng mga respondents sa kasong Ruby Rose Jimenez murder, ang kredibilidad ng testigong si Manuel Montero sa isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice.
Bukod pa rito, iginiit nila na malabong si Ruby ang sinementong bangkay na natagpuan sa loob ng isang drum sa ilalim ng Manila Bay sa may Navotas dahil ang biktima ay 5’9 habang ang na kuhang bangkay ay nasa 5’6 lamang ang taas.
Mariing iginiit ng kampo ng mga akusado na paghihiganti lamang ni Montero ang motibo kaya sila idinadawit sa pagpatay .
Sinabi ni Lope Jimenez, isa sa akusado, na tinanggal niya sa trabaho, may dalawang taon ang nakalipas, si Montero dahil sa iregularidad umano nito sa kumpanya.
Idinagdag pa ni Topacio na maraming inconsistencies sa testimonya ni Montero tulad ng sinasabing 1994 pa siya empleyado gayung 2001 lang daw naorganisa ang BSJ (Buena Suerte Jimenez Fishing And Trading Company) at may security and exchange records daw na makakapagpatunay nito.
Imposible anyang magsabwatan ang magkapatid na sina Atty Manuel Jime nez II (biyenan ni Ruby) at Manuel Jimenez III (kapatid ni Manuel Jimenez II) dahil may matagal nang hidwaan sa negosyo ang dalawa mula pa nung 2005.
Hindi rin umano konektado si Atty. Jimenez sa kumpanya ng kapatid.
Posible rin umanong buhay pa si Ruby, o hindi si Ruby ang bangkay na ipinalibing ng pamilya Barrameda dahil wala naman silang nakitang death certificate. Mas malaking injustice daw ito kung lalabas na ibang tao pala ang bangkay at nililitis ang mga taong di dapat malitis. (Ludy Bermudo)