MANILA, Philippines - Upang makuwenta kaagad ng isang pasyente o kamag-anakan ng mga ito ang kailangang bayaran para sa mga gamot at hospital at surgical procedures sakaling sila ay ma-confine, iginiit kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago na dapat itong ilagay sa mga admission site ng ospital.
Sa Senate Bill 3292 o Hospital Price Disclosure Act na inihain ni Santiago, sinabi nito na dapat lamang i-post ng mga ospital ang presyo ng kanilang mga serbisyo.
Dahil marami naman umanong ospital na maaaring pagpilian ang mga pasyente, maaari itong makapaghanap ng mas mura at tama sa kanyang budget kung makikita kaagad ang presyo ng mga surgical at hospital services.
Naniniwala si Santiago na dahil hindi nakikita kaagad kung magkano ang serbisyong ipinagkakaloob ng bawat ospital, nawawalan ng karapatan ang mga pasyente na mamili ng mas murang ospital na maganda rin naman ang serbisyo.
Kalakaran na umano sa bansa na nalalalaman lamang ng pasyente ang kailangan niyang bayaran kung palabas na ito ng ospital.
Dapat aniya ay may kapangyarihan ang mga mamamayan na mamili ng mas murang ospital.
“The power to choose which hospital to go to should be with the patient especially in these times of global economic crisis,” ani Santiago. (Malou Escudero)