MANILA, Philippines - Matapos ang paglilinaw ng Malacañang na hindi totoong nagpaayos ng kanyang breast implants si Pangulong Gloria Arroyo, muling sinigurado kahapon ni Presidential Deputy Spokesperson Lorelei Fajardo na walang seryosong sakit ang Pangulo.
Ayon kay Fajardo, dapat nang isantabi ang mga ispekulasyon na posibleng maapektuhan ang trabaho ng Pangulo kung ipagpapatuloy ang pagtatago sa totoong sakit nito.
Maliwanag naman aniya sa ipinalabas na medical bulletin ng gynecologist ng Pangulo na negatibo o benign ang resulta sa isinagawang biopsy sa bukol sa kanyang suso at singit.
Niliwanag pa ni Fajardo na isinabay lamang ng Pangulo sa ginawang quarantine matapos bumalik galing sa ibang bansa ang pagpapa-biopsy sa lumps sa kanyang suso at singit na nadiskubre nang sumailalim siya sa routine tests bago umalis patu ngong Japan noong Hunyo 17.
Matapos itanggi na may breast implant ang Pangulo na inilagay umano noong 80’s inamin na rin kamakalawa ng Malacañang na katulad ng mga sikat na artista, may breast implants ang Pangulo pero wala umano itong kaugnayan sa kanyang pagkaka-confine sa ospital kundi nagpa-quarantine lamang.
Nauna rito, ipinagtanggol na rin ng ilang opisyal ng Malacañang ang Pangulo matapos kumpirmahin na mayroon itong breast implant.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, bagaman at matatag na babae ang Pangulo, babae pa rin ito.
Nilinaw na rin nina Remonde na hindi sumailalim sa anumang operasyon ang Pangulo habang nasa Asian Hospital.