MANILA, Philippines - Sa harap ng kinaka sangkutang syndicated estafa at tax evasion, apat (4) pang tricycle driver ang sumugod sa Department of Justice (DOJ) para ireklamo ang isang konsehal ng Parañaque City.
Ang mga drivers na sina Mario Saenz, Democrito Fernandez, Roberto Parillos at Tito Porlague, pawang tricycle drivers ay naghain din ng kanilang reklamo laban kay Parañaque Councilor Carlito Antipuesto dahil illegal umano ang ginagawa nitong “hulog boundary scheme” o ang lending scheme nito para sa mga tricyle drivers bukod pa ang kawalan nito ng permit mula sa Security and Exchange Commission.
Anila, halos ibaon umano sila ni Antipuesto sa utang dahil umaabot sa 35% ang tubo kaya inaabot ng tatlong taon ang kanilang pagbabayad.
Isinumbong din ng mga complainant ang mga programa nitong libreng palibing sa halagang P15,000 dahil siya na umano ang magbabayad ng isa pang P15,000 dahil ang singil ng punerarya para sa serbisyo nito ay halagang P30,000. Ngunit nadiskubre nila na P8,500 hanggang P12,500 lang ang halaga nito sa suki nitong punerarya.
Una ng sinampahan ng kaso sa DOJ si Antipuesto ng isang grupo ng mga driver, sa pangunguna nina Ronald Y. Guzman, Marcelino C. Nonato, Joselito Atabay at Norberto Momo, pawang residente ng naturang lungsod, kung saan itinanggi ni Antipuesto ang akusasyon at inihayag ang kahandaang humarap sa imbistigasyon ng DOJ. (Butch Quejada)