Ayon sa DND at AFP: 'August Moon' tsismis lang

MANILA, Philippines – Sinabi kahapon ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. na tsismis at alingasngas lang ang napaulat na Oplan August Moon na naglalayong patalsikin sa puwesto si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Victor Ibrado.

Layunin din umano sa plano na palawigin ang panunungkulan ni Pangu­long Gloria Arroyo sa puwesto.

Napaulat pa na ipapa­lit kay Ibrado na miyem­bro ng Class ‘76 ng Philippine Military Academy ang isang miyembro ng PMA Class ’78 na si Army Chief Lt. Gen. Delfin Ba­ngit.

Pero sinabi ni Teodoro sa panayam sa pagdalo niya sa pulong ng Management Association of the Philippines sa Makati na walang basihan ang ulat kasabay ng pagpa­pahiwatig na hindi ito napapag-usapan sa militar.

Sinabi nina Teodoro at Ibrado na maaaring ipi­nakakalat lang ito ng mga destabilizer bukod sa ha­harangin nila ang anu­mang balak na ganito.

Sinabi naman ng ta­ga­pagsalita ng Philippine Army na si Lt. Col. Ar­ nulfo Marcelo Burgos Jr. na nililito lang ng mga des­tabilizer ang taumba­yan para ipakitang may hid­waan o nahahati ang AFP.

Sinabi naman ni De­puty Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na walang katotohanan ang Oplan August Moon at gawa-gawa lang ito ng mga kritiko ng Pangulo para guluhin ang gob­yerno.

Sinabi rin ni AFP-Civil Relations Service Chief Brig Gen. Gaudencio Pa­ngilinan na nais la­mang ng mga nasa likod ng nasabing propaganda na palitawin na nagkaka­hatihati na ang AFP na malayo umano sa katoto­hanan.

Aniya, nananatiling kumpiyansa ang mga opisyal at miyembro ng 125,000 malakas na pu­wersa ng AFP sa liderato ni Ibrado. (Joy Cantos, Rudy Andal at Malou Escudero)


Show comments