MANILA, Philippines - “Wala kahit isa mang human rights violation ang naganap sa relokasyon ng may 2,400 pamilyang iskwa ter na apektado ng North-South Rail Linkage Project.”
Ito ang masayang ibinalita ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri matapos ang matagumpay na in-city relocation ng may 2,400 pamilyang naninirahan sa tabi ng riles ng Philippine National Railways (PNR).
Ayon kay Echiverri, malaking bagay ang tiwalang ibinigay sa kanya ng mga taga-riles nang ipangako nito noong una na bibigyan niya sila ng isang maayos na paglilipatan sa Barangay 171, Bagumbong, na mas kilala bilang Northville 2-B development project.
Dahil dito, aniya, 100-porsyento nang natanggal ang lahat ng ilegal na istraktura at mga bahay-bahay na nasa tabi ng kahabaan ng riles ng PNR na sakop ng Caloocan, na wala kahit isa mang nagreklamo sa Commission on Human Rights.
“Ito na marahil ang kauna-unahang makatao, malakihan at boluntaryong paglilipat sa kasaysayan ng squatting sa Kalakhang Maynila,” aniya.