MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang lahat ng mga lisensyadong nurse na nais magtrabaho sa ibang bansa na magsumite ng kanilang aplikasyon para sa Kingdom of Saudi Arabia na nangangailangan ng 1,000 tauhan sa kanilang mga pagamutan.
Sa pahayag na inilabas ni POEA Administrator Jennifer Jardin-Manalili na kailangan lamang personal na magsumite ng kanilang mga dokumento kabilang ang resume, record sa paaralan, employment certificate, kopya ng pasaporte at 2x2 photo.
Kailangang isumite ito sa Manpower Registry Division, Window M sa unang palapag ng kanilang gusali sa kanto ng Ortiga Avenue at Edsa sa Mandaluyong City.
Kailangan rin umanong lisensyado ang mga nagnanais makatungo ng Saudi, may isang taong karanasan at hindi hihigit sa 45-anyos ang edad.
Kabilang sa mga benepisyong matatanggap ng mapipiling mga aplikante ang taunang bakasyon na may bayad, round trip ticket, pabahay, transportation allowance at taunang renewal ng kontrata.
Bukod dito, nangangailangan rin naman ang KSA Ministry of Finance ng mga communication engineers, electrical engineers at mga arkitekto, hindi hihigit sa 50-anyos, may balidong lisensya at may 8-10 taong karanasan. (Danilo Garcia)