MANILA, Philippines - Ipinahayag ni Health Undersecretary Mario Villaverde na umaabot na sa P50 milyon ang nagastos ng Kagawaran simula lamang noong Mayo ng mag karoon ng mga kaso ng AH1N1 virus sa bansa.
Ayon kay Usec. Villaverde, humigit kumulang na sa 50 porsyento ng pondo na ibinigay sa kanila ng National Disaster Coordinating Council para gamiting panlunas sa mga naaapektuhan ng nasabing virus.
Gayunman, tiniyak din ni Villaverde na sa kabila nito ay hindi kakapusin ang pondo ng DOH dahil may naka-standby pa silang P150-M na pondo na inilaan naman ni Pangulong Arroyo.
Sakali man aniyang kulangin pa ito dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naitatalang kumpirmadong kaso ng AH1N1 virus sa bansa, madali namang makakuha ulit ng pondo batay na rin sa direktiba ng Pangulo.
Wala din namang dapat ipangamba ang publiko kahit na umabot na sa 344 ang mga naitalang kaso ng AH1N1 virus sa bansa na inaasahan pang tataas sa mga darating na araw dahil mild lang naman ang strain ng nasabing virus na tumama sa bansa. (Doris Franche)