MANILA, Philippines - Nabiktima kahapon ng swine flu scare ang isang 38-taong gulang na empleyada ng Senado matapos mapaghinalaang may AH1N1 virus dahil nanggaling ito sa Amerika.
Napilitan ang biktima na kumuha ng sertipikasyon mula sa San Lazaro Hospital na magpapatunay na wala siyang AH1N1 virus matapos kumalat ang tsis mis na nagtataglay siya ng nasabing sakit.
Kasama si Dr. Mariano Blancia, medical director ng Senado, personal na nagtungo sa media office ng Senado ang biktima na tumangging magpabanggit ng pangalan matapos makakuha ng sertipikasyon mula sa San Lazaro Hospital.
Ayon sa biktima, nagtungo siya sa clinic ng Senado kahapon ng hapon upang magpakuha ng temperature dahil may mga nagsasabing mayroon siyang AH1N1 virus dahil nanggaling siya ng Amerika.
Ayon pa sa biktima, 36.5 ang kanyang temperature at sumakit lamang ang kanyang dibdib dahil sa mga nagpapakalat ng tsismis na pinagmulan ng swine flu scare sa Senado.
Sinabi pa ng biktima na hinahanap niya ang nagpakalat ng tsismis upang maidemanda niya ito.
Nagbiro naman si Blancia na posibleng hindi nabigyan ng pasalubong ang nagpakalat na may AH1N1 ang empleyada.
Matatandaan na unang pinaghinalaan na may AH1N1 si Senator Jamby Madrigal kaya hindi natuloy ang ikalawang hearing ng Committee of the Whole na dumidinig sa C-5 road project. (Malou Escudero)