MANILA, Philippines - Isang Filipino humanitarian worker ang kabilang sa 11-kataong namatay matapos na pasabugin ng mga militante ang hotel na tinutuluyan nito sa Peshawar City, Pakistan noong Martes.
Kinilala ng Department of Foreign Affairs ang Pinoy na nasawi na si Perseveranda So, chief of education ng United Nations Children’s Fund kung saan nagtrabaho ito sa Pakistan mula pa noong 1994.
Si So ay kabilang sa ilang UN humanitarian workers ng UNICEF sa Pakistan na nanunuluyan sa Pearl Continental Hotel na sinalakay at pinasabog ng mga militante.
Nagpahayag naman si UNICEF Executive Director Ann Veneman ng pakikiramay at kalungkutan sa pamilya ni So dahil sa ipinakitang dedikasyon sa trabaho sa kabila ng pagiging mapanganib ng sitwasyon nito sa naturang bansa ay nagtiyaga itong magturo sa mga kababaihan doon na nais makapag-aral.
Sa ulat na natanggap ng DFA, 11 katao ang kumpirmadong namatay habang 70 ang sugatan at posible pang madagdagan ang bilang ng mga patay dito matapos na paulanan ng bala ng mga militante ang security post sa gate ng Pearl Continental Hotel habang isang hinihinalang suicide bomber ang naglagay at nagpasabog ng isang truck bomb sa harapan ng lobby ng hotel kaya naman nabasag ang mga bintana nito.
Ang naturang bomba ay naglalaman umano ng 500 kilo ng pampasabog na katulad sa laki ng truck bomb na ginamit para pasabugin ang Marriott Hotel sa Islamabad noong nakaraang taon kung saan namatay ang 55-katao.
Bunsod nito’y, mariing kinondena ng UNICEF ang naturang karahasan.