MANILA, Philippines – Bagama’t walang naitalang bagyo, magpapatuloy ang pagbuhos ng ulan na mararanasan sa malaking bahagi ng Luzon hanggang Lunes dulot ng Habagat.
Ito ang sinabi ni Nataniel Cruz, chief ng Weather station ng PAGASA, kung saan ang hanging habagat na nagtataglay ng makapal na ulap o monsoon cloud ang nagbibigay dahilan ng pag-ulan.
Ayon pa kay Cruz, walang bagyo subalit ang malakas na hanging dulot ng Habagat ang siyang malaking epekto para magkaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan.
Bukod sa Metro Manila, apektado rin ng nasabing pag-ulan ang bahagi ng western Visayas kaya pinag-iingat ng PAGASA ang mga mamamayan at pinaalalahanang manatiling magdala ng pananggalang laban dito.
Sa mga maglalakbay naman sa karagatan ay ibayong pag-iingat ang paalala ng PAGASA dahil ang malakas na hangin ay posibleng magdulot ng malakas na pag-alon sa mga karagatan.
Pinayuhan din ni Cruz ang mga residenteng malapit sa mga lugar na nagkakaroon ng flash flood at landslide na mag-ingat.
Sa kabila nito, ayon sa PAGASA wala namang nakikitang weather disturbance ngayon sa bansa, at ang naunang low pressure area (LPA) ay nasa labas na ng Philippine area of responsibility. (Ricky Tulipat)