MANILA, Philippines – Lumutang na rin kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang itinuturong nag-upload sa internet umano ng Hayden-Katrina sex video para pabulaanan ang nasabing akusasyon.
Dakong alas 3:30 ng hapon nang sumipot sa NBI-Anti Fraud and Computer Crimes Division si Engr. Eric Johnston Chua, kaibigan ni Kho, para maghain ng kanyang counter-affidavit kaugnay sa kinasasangkutang kontrobersiya.
Gayunman, aminado umano si Chua na siya ang kumuha ng hard drive ni Kho, ngunit mariin nitong itinanggi na siya ang nasa likod nang pag-upload ng mga sex video.
Iginiit niya na wala siyang ideya sa kung sino ang nasa likod ng pag-upload ng nasabing sex video at tumanggi din na magbigay ng komento hinggil sa nilalaman ng kaniyang inihaing affidavit.
Kabilang si Chua sa pinadalhan ng subpoena ng NBI noong nakalipas na buwan matapos maghain ng pormal na reklamo ang aktres na si Halili kaugnay sa pagkalat ng sex video niya kay Kho.
Bukod kay Chua, ipinatawag din ng NBI sina Kho, ang nobya nitong si Dr. Vicki Belo at isa pang kaibigan ni Kho na si Dr. Mark Herbert “Bistek” Rosario. (Ludy Bermudo)