Mancao handa na sa Dacer-Corbito

MANILA, Philippines – Handa na si dating police Senior Superintendent Cezar Mancao na isiwalat ang kanyang mga nalala­man tungkol sa mga taong sangkot sa pagpaslang sa beteranong PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.

“Oras na. Itong bago ako mahuli, humingi din naman ako ng tulong. Wala naman akong ma­asa­han na,” sabi ni Man­cao na dumating kahapon sa bansa mula sa Los Angeles, California. “Siguro naman itong walong taon kong itinatagu-tagu kong katotohanan ay mailalabas ko na rin... Sinakripisyo ko ang career ko. Iniwan ko ang pamilya ko. Sinunod ko iyong utos ng taong nirespeto ko,” sabi pa ni Mancao.

Kabilang si Mancao sa isinangkot sa pagpaslang kay Dacer. Ilan pa sa dating mga tauhan ng PAOCTF na sina dating Police Superintendents Michael Ray Aquino at Glenn Dumlao na nagtago rin at nahuli sa US ang isinasabit sa krimen.

Nilinaw naman ni NBI-Director Nestor Mantaring na hindi itinuturing na high risk prisoner si Mancao sa Dacer-Corbito double murder case bagkus ay bini­bigyan lamang ng sapat na seguridad dahil inaasikaso na rin ang papeles nito para sa pag­lalagay sa kaniya bilang state witness.

Mananatili sa kustodiya ng NBI si Mancao na idi­naan sa likurang gate sakay ng bullet proof na Ford Expedition, habang ang mga opisyal na sumundo sa kaniya ay dumaan sa main gate.

Sinadyang iligaw ang mga tao kung saan sakay at dumaan si Mancao bilang bahagi ng inilatag na seguridad bukod pa sa 200 security personnel ng NBI na sumundo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang bumaba ito mula sa Philippine Airlines flight PR 103, dakong alas 5:30 ng umaga.

“He feared for his life from the persons he mentioned in his affidavit. He also feared the government.. I told him the NBI will secure him and nothing will happen if he will fear everyone. When he arrived here, he sees the elaborate security we provided and he feels safe now,” ani Atty. Ric Diaz, hepe ng NBI-Anti-Terrorism Division .

Nagsipagdatingan din ang kaanak ni Mancao kabilang ang ina na si Reynalda Mancao at mga kapatid.

Dahil may walong taon na umanong hindi nagki­kita ang magkaka-pamilya, pinayagan ng NBI ang pamilya ni Mancao na makasama niya sa buong magdamag.

Ilang opisyal lamang umano ng NBI ang may access sa sleeping quarters ni Mancao, para din sa seguridad nito at hindi siya ihahalo sa iba pang detainees, may sariling kama, air-con, refrigerator, TV set, comfort room at receiving area sa mga piling bisita.  

Kuratong bubuksan

Pinag-aaralan na rin ng Department of Justice na muling buksan ng kaso ng Kuratong Baleleng rubout.

Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, layunin nila rito na maisara na ang kaso sa muling pagbabalik sa bansa ni Mancao.

Sangkot din sina Lac­ son, Mancao, Dumlao at Aquino sa pagpaslang sa 11 hinihinalang holda­per na miyembro ng Kura­tong Baleleng gang sa Quezon City noong dekada ’90.

Nilinaw din ng Kalihim na maaring hindi lang si Lacson ang idawit nina Mancao at Dumlao sa pagtestigo sa kaso kundi maging si dating Pangu­long Joseph Estrada din. (Ludy Bermudo, Ellen Fernando at Gemma Amargo-Garcia)


Show comments