MANILA, Philippines – Kinastigo kahapon ni Sen. Mar Roxas ang Department of Health dahil sa kawalang aksyon para maipatupad ang Cheaper Medicine Act na naglalayong maibaba ang halaga ng gamot sa kapakanan ng mga mahihirap.
Hinamon ni Roxas ang ilang opisyal ng DOH na magbitiw dahil sa kanilang paghuhugas-kamay sa pagpapatupad ng bagong batas para makapasok ang mura pero de-kalidad na gamot sa mga botika sa bansa halos isang taon simula nang ito’y pirmahan ni Pangulong Arroyo.
Nagpupuyos na hiningi ni Roxas ang agarang pagbibitiw ni Health Undersecretary Alex Padilla dahil hindi nito natupad ang pangakong maglabas ang DOH ng listahan ng presyo ng mga pangunahing gamot na madalas bilhin ng mga Pilipino gaya ng mga gamot sa hypertension, hika at diabetes.
Nagputok ang butse ni Roxas matapos aminin ni Padilla na hindi pa naipapalabas ng DOH ang nasabing listahan kahit na kailangang ilabas ng DOH ang listahan noon pang nakaraang Marso.
Sinuportahan agad ni Makati Rep. Teodoro Locsin at Palawan Rep. Antonio Alvarez ang mosyon ni Roxas na puwersahin si Health Secretary Francisco Duque na dumalo sa susunod na hearing ng oversight committee dahil sa pagkabigo niyang iparating ang murang gamot sa mga botika. (Malou Escudero)