MANILA, Philippines – Inisnab kahapon ni Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando ang pagdinig ng mga komite ng blue ribbon at ng public information and media ng Senado na nagsisiyasat sa umano’y pagtanggap niya ng P1.1 milyong cash bilang birthday gift mula sa pondo ng Metro Manila Film Festival.
Dahil sa hindi pagsipot ni Fernando, iginisa nina Senator Jose “Jinggoy” Estrada at Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. si Asec Edenison Fainsan na nakatalaga sa finance committee ng MMFF.
Inamin naman ni Irene Manalo, supervising auditor ng MMDA na may iregularidad sa pagtanggap ni Fernando ng cash gift mula sa MMFF dahil paglabag ito sa anti-graft and corrupt practices act.
Dumipensa naman si Atty. Esperidion Laxa, miyembro ng executive committee, na walang masama sa pagreregalo nila kay Fernando. Bilang token daw ito sa magandang pamamalakad nito sa MMFF. (Malou Escudero)