MANILA, Philippines – Umaabot umano sa P100 bilyon ang nawawala sa ekonomiya dahil sa matinding trapiko taun-taon, ayon sa isinagawang pag-aaral ng UP Center for Transportation Studies.
Dahil dito, iginiit ni Senator Francis “Chiz” Escudero sa Metro Manila Development Authority na paghandaan ang matinding trapiko ngayong nalalapit na naman ang pasukan.
Naniniwala si Escudero na may sapat namang pondo ang MMDA at may mga kagamitan na rin katulad ng video tracking devices na magagamit para mapagaan ang trapiko lalo na sa Metro Manila.
May kabuuang 18.6 milyong estudyante sa mga primary at secondary educational institutions sa buong bansa ang magbabalik eskuwelahan bukas kung saan 700,000 sa mga ito ay college students mula sa Metro Manila.
Samantala, sa 5.53 milyong rehistradong sasakyan sa bansa, 30 porsiyento nito ay nasa Metro Manila.
Ayon kay Escudero, kung pagbabatayan ang datos ng Citizen’s Traffic Watch, isang non-government organization, mahigit sa P15 billion umano ang nawawala dahil sa trapiko taun-taon, sa Metro Manila.
Mahalaga aniyang masolusyunan ang matinding problema sa trapiko dahil nakakaapekto na rin ito sa ekonomiya. (Malou Escudero)