MANILA, Philippines - Nabigo ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maisalang sa drug test ang kontrobersyal na actress na si Katrina Halili matapos na tumanggi ito sa nasabing pagsusuri kahapon.
Ayon kay Atty. Raymund Palad, abogado ni Halili, hiniling umano ng aktress na isailalim siya sa pagsusuri sa Lunes o Martes at hindi kahapon dahil may nakasalang pa umanong appointment ito.
Ganap na ala 1:30 ng hapon ng dumating si Halili kasama ang abogado sa tanggapan ng PDEA partikular sa tanggapan ni Director General Dionisio Santiago bago isinagawa ang close door meeting.
Ang imbitasyon ay bunga ng isyu ng sex video kung saan nabanggit sa Senate hearing ni Dr. Hayden Kho na ginawa nila ito na may halong paggamit ng droga.
Bukod dito, tutukuyin din ng PDEA kung sino ang umano’y supplier ng iligal na droga kina Halili at Hayden matapos itong mabulgar sa nasabing pagdinig kamakalawa ng hapon kung saan tahasan sinabi ng huli na mayroong ma laking tao sa industriya ang nasa likod ng umano’y pagsusuplay ng ecstasy sa mga artista.
Ayon naman kay Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA, maaring hilingin umano ni Halili na isailalim siya sa special drug test sa pamamagitan ng gascrmatograph spectrometer, isang makabagong device na maaring maka-detect ng presensya ng droga sa pamamagitan ng follicles ng buhok kahit isang taon pa ang lumipas kumpara sa pagsusuri sa dugo at ihi.
Sa nasabing kagamitan ay maari din umanong makuha ang resulta ng drug test sa loob ng 24 oras.
Magkagayunman, ayon pa kay Carreon, sa hindi pagpapa-drug test kahapon ni Halili, hindi naman nila umano ito maaring mapilit kung ayaw niyang gawin ang nasabing proseso.
Wala namang ipinahatid ang kampo ni Kho kung tatanggapin nito ang imbitasyon ng PDEA para magpa-drug test at maimbestigahan.
Kaugnay nito, matapos ang pagkikipag-ugnayan ni Halili sa PDEA dumiretso naman ito sa Quezon City Hall of Justice partikular sa tanggapan ni fiscal Vicky Villamor para magsampa ng kasong 2 counts of libel laban sa nanay ni Hayden na si Irene Kho. (Ricky Tulipat)