Nakakalasong school supplies sisilipin

MANILA, Philippines – Susuriin ng Department of Health ang sina­sabi ng grupong Ecological Waste Coalition na may taglay na lason uma­no ang ilang mga school supplies na ibinebenta sa mga pamilihan tulad ng plastic bag, binders, lunch box, at plastic cover na gawa sa PVC o polyvinyl chloride products.

Gayunman, sinabi ni DOH-Health Related Devices Regulation head Engr. Renato Ongcoy na walang dapat ikabahala ang mga magulang sa paggamit ng kanilang mga anak na estudyante ng mga school supplies na gawa sa PVC.

Aniya, masyadong ma­baba ang level ng quantity ng lason at hindi umano makasasama sa kalusugan ng mga kaba­taan. Kahit pa umano isubo ang mga PVC products ay hindi aabot sa harmful effect base na rin sa pag-aaral ng Consumer Safety Commission ng United States.

Tiniyak din ni Ongcoy na bubuo ng komite ang DOH para sa kaukulang hakbang sa pagsusuri ng mga available school supplies na ginamitan ng PVC para makasigurong ligtas ito laban sa mapa­nganib na toxic additives. Makiki­pag-ugnayan din si Ong­coy sa Department of Trade and Industry ukol dito.

Una nang nanawagan sa publiko ang Ecowaste Coalition na iwasan ang paggamit ng PVC products sa school supplies na pawang may taglay na ‘phthalate’ na sinasabing nakalalason at nakasa­sama sa kalusugan ng mga kabataan.

Iminungkahi ng Eco­waste na bumalik na lamang sa paggamit ng Manila paper, lumang magazine at kalendaryo sa pagbalot ng kanilang mga notebook at libro ngayong pasukan.


Show comments