MANILA, Philippines – Nasilip na rin ng United Nations (UN) ang patuloy na nagaganap na “summary execution” o salvaging na sinasabing kagagawan umano ng grupong Davao Death Squad (DDS) sa Davao City.
Sa 16-pahinang report ni UN special rapporteur Philip Alston sa Human Rights Council, sinasabing dapat ng umaksiyon ang gobyerno ng Pilipinas sa nagaganap na patayan sa Davao dahil labis na itong nakakabahala makaraang lumobo na sa mahigit 1,000 katao ang nagiging biktima.
Ayon pa kay Alston, ang mga miyembro ng DDS ay nag-o-operate ng may ‘complete immunity’ o ligtas sa anumang kaparusahan, kaya’t lalong lumalakas ang loob ng mga ito na gumawa ng krimen kahit sa katanghalian tapat.
Bunsod nito’y, inirekomenda ni Alston sa National Police Commission na alisan ng kapangyarihan ang lokal na kapulisan at magsagawa na lang ito ng sariling imbestigasyon.
Dahil sa report ni Als ton kaya inatasan na ni Pangulong Arroyo sina DILG Secretary Ronaldo Puno PNP chief, Director General Jesus Verzosa na lutasin ang problema ng ‘salvaging’ sa Davao, arestuhin at kasuhan ang mga miyembro ng Death Squad. (Butch Quejada)