Minorya nag-walkout sa Senate probe vs Villar

MANILA, Philippines – Walang duda si Senate minority leader Aquilino Pimentel Jr. na nakadi­senyo para “bitayin” si Sen Manny Villar ang ina­prubahang rules ng Senate Committee of the Whole sa imbestigasyon sa C-5 Road project.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag kahapon nang pigilin siya ni Senate President Juan Ponce Enrile na suriin ang panun­tunan ng komite na pina­paniwalaan ng minorya na nakadisenyo para idiin si Villar sa reklamong inihain ni Sen Jamby Madrigal.

“Sa ganitong sitwas­yon, ipagpaumanhin ninyo ang pagtanggi naming makilahok sa tila pagma­madaling bitayin ang isang kasamahan nang walang pagdinig,” sabi pa ni Pi­mental bago nag-walkout sa sesyon ng komite.

Unang iginiit ni Sen. Joker Arroyo na dapat ipalathala muna sa mga pa­hayagan ang inapruba­hang panuntunan bago simulan ang preliminary investigation dahil ito ang rekomendasyon ng Korte Suprema.

Iginiit ni Arroyo na walang dahilan para apu­rahin ang preliminary investigation sa reklamo laban kay Villar maliban na lamang kung sadyang may kinalaman sa 2010 elections ang pagdinig sa C-5 road project.

Nanindigan naman si Enrile na walang basehan ang alegasyon ni Pimentel at hindi nila inaapura ang pagdinig, “para bitayin ang sinoman pati na ang gi­noong nagsasalita,” sabi pa ng pangulo ng Senado.

Sinermunan pa ni Enrile ang grupo ng mi­norya na dalhin sa Korte Suprema ang kanilang reklamo sa pamamahala ng mayorya sa pagdinig kay Villar.

Sumunod na nag-walkout sa pagdinig si Senador Peter Allan Cayetano na isang oras munang naki­sali sa diskusyon bago lumayas. Hindi dumalo si Villar sa pagdinig. Muling itinakda ang ethics probe sa Mayo 18. (Malou Escudero)


Show comments