MANILA, Philippines – Nangangamba ang Confederation of Government Employees Organizations na hindi makakuha ng patas na paglilitis sa kasong perjury si Jun Lozada.
Ayon kina COGEO Chair Atty. Jesus Santos at Prof. Arturo de Castro, ngayon pa lang ay kinakikitaan na ng umano’y pagkiling si Manila Metropolitan Trial Court Judge Jorge Emmanuel Loredo sa pagdinig sa kaso laban kay Lozada.
Anila, sa ilalim ng rule 5.10 ng Canon 5 ng Code of Judicial Conduct, hindi maaaring makitaan ng pamumulitika ang isang hukom.
Kinondena din ng COGEO ang naging kautusan ni Loredo na ibigay sa Senado ang pangangalaga kay Lozada dahil sa umano’y takot na saktan ito ng tauhan ng administrasyong Arroyo.
Malaki ang hinala ng COGEO na maaaring ang personal na interes lang ang iniisip upang magkaroon umano ng promosyon mula sa pagiging hukom at maging mahistrado, kaya ibinigay si Lozada sa Senado.
Pinuna din ng naturang grupo ang pang-iinsulto umano ni Loredo sa private complainant na si Mike Defensor ng tawagin nito na “Railroad man defensor, na walang laruan kundi mga kinakalawang at lumang mga tren.” (Butch Quejada)