CEBU, Philippines – Nabulgar ang ipinapatayong P10 milyong halaga ng mansion ng wanted na si Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegade Commander Ameril Umbra Kato matapos makubkob ng tropa ng pamahalaan ang satellite camp ng grupo sa raid ng Brgy. Pagada, Talitay, Maguindanao kamakalawa.
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce, bandang 12:45 ng tanghali nang salakayin ng pinagsanib na elemento ng 46th Infantry Battalion (IB) at 6th IB ang satellite camp ng Lawless Muslim Group (LMG) na pinamumunuan ni Kato.
Si Kato ay may patong sa ulo na P10M kaugnay ng kasong multiple murder at frustrated murder, arson, robbery in band at iba pa kaugnay ng madugong pag-atake sa North Cotabato noong Agosto 2008.
“The camp is utilized as forward and perimeter defense to a nearby mansion and rest house owned by Commander Ameril Umbra Kato, the unfi-nished mansion is worth P10M,“ ani Ponce.
“The leaders of the MILF live in lavish and extravagant way while their followers and their families remain poor as they are with no adequate food and medicines to sustain their living”, ang sabi pa ng opisyal.
Ayon kay Ponce mabilis na nagsitakas ang grupo ni Umbra Kato sa takot na malagas sa tropa ng gobyerno matapos ang may 15 minutong palitan ng putok.
Narekober rin sa lugar ang sari-saring mga dokumento, uniporme at mga kagamitang pandigma ng MILF renegades. (Joy Cantos)