Maulang panahon dala ni Emong

MANILA, Philippines - Maulang panahon ang dala ng bagyong Emong sa Metro Manila ngayong Biyernes.

Ayon kay Nathaniel Cruz, weather forecasting head ng  Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ang bagyong Emong ay kumukuha ng lakas ha­bang ito ay papasok sa Philippine territory sa may Southern Luzon area.

Sinabi ni Administrator Prisco Nilo ng PagAsa, si Emong ay inaasahang tatawid ng Northern o Central Luzon at magla-landfall sa Pangasinan.

Ngayong Huwebes, si Emong ay inaasahang papasok ng bansa at nagbabanta sa northern at central Luzon.

Namataan ito kaha­pon sa layong 550 kilo­metro ng kanluran timog kanluran ng Maynila tag­lay ang pinaka malakas na hanging 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 105 kilometro bawat oras.

Bukod sa Metro Manila, maulan din ang pa­nahon sa Zambales at Cavite.

Pinaghahanda naman ng PagAsa ang publiko dahil si Emong ay mala­mang na maging super bagyo pagpasok ng ban­sa.

Gayunman, sinabi ni Cruz na hindi naman direktang maaapek­tuhan ni Emong ang Me­tro Manila kundi mag­dadala lamang ito ng maulang panahon.

Ang Visayas at Min­danao naman ay maka­karanas ng katamtamang pag-uulan dulot ni Emong. (Angie dela Cruz)

Show comments