MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng Malacañang na ang idineklarang “national day of celebration” sa Biyernes para sa pagwawagi ni pound for pound boxing champion Manny Pacquiao ay isang “working holiday”.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, may pasok sa darating na Biyernes at hindi ito non-working holiday.
Sinabi ni Sec. Remonde, ang pagdedeklara ni Pangulong Arroyo ng “national day of celebration” ay para lamang ipagdiwang ng buong bansa ang pagwawagi ni Pacquiao laban kay Ricky Hatton.
Inaasahang darating sang Team Pacquiao ngayon mula sa Estados Unidos at maghahandog naman ng isang “luncheon” ang Malacañang sa Biyernes para sa pambansang kamao. (Rudy Andal)