MANILA, Philippines - Patuloy ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pagsasagawa ng mga programang nakatuon sa pagtulong sa mga residenteng kabilang sa persons with disability (PWDs).
Binigyang-diin ni Caloocan City Mayor Enrico ‘Recom’ Echiverri na mahalagang mabigyan ng parehong oportunidad at serbisyo ang mga kabilang sa sektor na ito na tulad ng mga residenteng walang kapansanan.
Sa pinakahuling kampanya ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng City Social Welfare Department (CSWD), natukoy ang mahigit 800 persons with disability na nangangailangan at nabigyan ng pangunahing tulong.
Idinagdag pa ng alkalde na nakapili rin ang pamahalaang lungsod ng mga espesyal na atleta o special athletes mula sa kanilang hanay na nakasali at nagwagi sa idinaos na 12th Special Olympics Philippines National Games nitong Marso sa Lingayen City.
Bukod pa rito, nakatakda namang ibahagi ng CSWD sa buwan na ito ang mahigit 40 karagdagang wheelchair para sa mga PWDs.