MANILA, Philippines - Sorpresang bumisita kahapon kay NBN-ZTE whistle blower Rodolfo “Jun” Lozada si Senator Franciz “Chiz” Escudero sa kanyang detention cell sa Manila Police District-Warrant and Subpoena Section sa kasagsagan ng inaabangang Pacquiao-Hatton fight.
Si Escudero ay bumisita kay Lozada ng walang anunsiyo at walang kasama para magbigay ng kanyang suporta kay Lozada at upang personal na alamin ang kala gayan ng huli sa kanyang detention cell.
Naniniwala si Escudero na maging ang maybahay ni Lozada na si Violeta ay dumaranas ng pagdurusa para sa paninindigan ng kanyang mister sa “katotohanan”.
Ang mag-asawa ay kapwa nahaharap sa kasong perjury matapos ang ginawang “expose” ni Lozada.
Bilang isang abogado, sinabi ni Escudero na nakahanda siyang magbigay ng tulong na legal kay Lozada kung kakailanganin nito.
Hindi nagpasabi ng pagdalaw si Escudero kay Lozada para makaiwas sa mapanuring mata ng media at maakusahan pa ng nagpapa-“grand standing”.
Mas ginusto umano niya na bumisita kay Lozada habang abala ang publiko sa panonood sa laban ni Manny Pacquiao. (Ludy Bermudo)