MANILA, Philippines - Sasagipin ng gobyerno ang isang Pinay na nahaharap sa hatol na firing squad sa Taiwan dahil sa kasong murder at robbery.
Kahapon ay nakipag-usap na si Nacionalista Party President, Senator Manny Villar sa mga opisyal ng gobyerno para sa kaligtasan ni Cecilia Alcaraz bunsod na rin sa panawagan ng migrant workers na tulungan ang naturang OFW na hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad.
Si Alcaraz, may apat na anak sa Pilipinas, ay na-convict noong Set. 30, 2008 ng Kaohsiung District Court sa kasong murder at robbery.
“Panahon nang manindigan ang pamahalaan upang mailigtas ang buhay ng isa pa nating kababayan na nakipagsapalaran sa ibayong dagat,” ani Villar.
Naging concern si Villar sa naging posibleng desisyon ng Taiwanese Appellate Court sa kasong ito ni Alcaraz, na ngayon ay nakaapela. “Kailangang gawin ng gobyerno ang lahat para mailigtas sa kamatayan si Cecilia,” anang senador.
Ang kanyang OFW Helpline ay nagbigay na ng tulong sa pamilya ni Alcaraz at nakipag-usap na sa mga ahensiya ng gobyerno para mailigtas ang Pinay.
Sa Manila Economic Cultural Office sa Taipei, Taiwan, kamakailan ay nag-ulat na ang hatol na kamatayan kay Alcaraz ay base lamang sa legal procedures at ebidensiya na prinisinta sa korte.
Sinabi ng migrant workers na ang kaso ni Alcaraz ay hindi isolated.