MANILA, Philippines – Malamang na maagang pumasok ang tag-ulan kapag naging ganap na bagyo ang isang weather disturbance na namataan sa silangan ng Mindanao.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Nathaniel Cruz, chief weather forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration, na nagsabi pa na patuloy nilang si nusubaybayan ang pagkilos ng naturang low pressure area na namataan sa layong 690 kilometro mula sa silangan ng katimugang Mindanao.
Ang tag ulan ay karaniwang unang nararamdaman sa bansa tuwing Hunyo at Hulyo.
Sinabi ni Cruz na ang LPA ay naapektuhan ng intertropical convergence zone na siyang nagdadala ng kalat kalat na pag ulan sa Mindanao.
Ang Metro Manila at iba pang panig ng Luzon ay dumaranas ng manaka-nakang pag uulan na epekto naman ng tail-end ng cold front.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na baka makaligtas din sa LPA na ito ang bansa dahil lumawak ang tail-end ng cold front na umiiral sa dulong hilagang Luzon.
Hinaharang ng cold front ang namumuong sama ng panahon o LPA kaya hindi ito makapasok sa bansa. (Angie dela Cruz)