MANILA, Philippines – Tahasang sinabi kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na peke ang ilang miyembro ng oposisyon at nakikisakay lamang sa partido.
Sinabi ni Pimentel na dapat makilala ang mga tunay na oposisyon sa mga peke sa gitna nang posibleng pagsasanib puwersa ng mga partido ng oposisyon upang mas lumakas ang kanilang puwersa para sa 2010 elections.
Naniniwala si Pimentel na makakasira sa pagsasanib puwersa ang mga pulitikong nagpapatanggap lamang na kasapi ng oposisyon.
Inihalimbawa nito ang mga dating miyembro ng oposisyon na sumanib kay Pangulong Arroyo nang maluklok ito sa puweto pero muling bumabalik sa oposisyon ngayong nalalapit na ang halalalan.
Kaugnay nito, sinabi ni Pimentel na kinakatigan niya ang naging announcement ni dating Pangulong Joseph Estrada na pangungunahan niya ang pagdaraos ng isang national convention ng lahat ng partido ng oposisyon at kani-kanilang presidential aspirants upang pumili ng iisang standard bearer para sa United Opposition.
Pero idinagdag ni Pimentel na bago gawin ang nasabing national convention, dapat munang matukoy kung sino ang nagpapanggap lamang o peke.
Iminungkahi ni Pimentel na bumuo nag oposisyon ng mechanics at procedures para sa gagawing selection process ng kanilang standard bearer. (Malou Escudero)