MANILA, Philippines – Dalawang Amerikano at isang Malaysian ang mga bagong nakatanggap ng indefinite “job generation” visa na ibinibigay ng pamahalaan sa mga dayuhang negosyante na nag-eempleyo ng sampu o higit pang Pilipinong manggagawa, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Pinirmahan ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang certificates na nagbibigay ng special visa for employment generation (SVEG) sa tatlong dayuhan sa isang simpleng seremonya sa BI main office sa Intramuros, Manila.
Ang mga nabigyan ng visa ang mga Amerikanong sina Thomas Michael Reilly at Deepak Agarwal at Malaysian na si Tan Kee Lian.
“We are encouraging other foreigners doing business in the country to avail of this visa as this is our way of reciprocating them for the jobs and livelihood opportunities that they provide to our countrymen,” wika ni Libanan.
Ayon kay Libanan, napapanahon ang pagbibigay ng visa dahil apektado rin ang Pilipinas ng krisis sa ekonomiya na nararanasan ng mundo.
Sinabi ni Atty. Cris Villalobos, BI-SVEG one-stop shop head, nakasunod ang tatlong aplikante sa itinatakdang requirements para sa pagbibigay ng visa na sinimulang ipatupad ng BI isang buwan na ang nakalilipas.
Inilunsad ang nasabing visa kasunod ng executive order na nilagdaan ni Pangulong Arroyo sa Malacañang noong Nov. 17 sa layuning makahikayat ng maraming dayuhang negosyante na mamuhunan sa bansa na magreresulta sa dagdag na trabaho para sa maraming Pilipino.