MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon ang Department of Foreign Affairs sa libu-libong overseas Filipino workers sa United Arab Emirates na mag-ingat sa mga gumagalang ilang grupo ng kapwa nila Pilipino na nag-aalok ng ‘machine readable passport’ para makapanloko at magkamal lamang ng salapi.
Ang babala ay inihayag ni DFA Secretary Alberto Romulo kasunod sa mga dagsang reklamo ng mga manggagawang Pilipino na nabibiktima sa bagong modus-operandi ng mga sindikato na naghihikayat sa mga OFWs para sa madaliang pagkuha umano ng machine readable passport.
Nilinaw ni Romulo na maaaring makakuha ng machine-readable passports sa diplomatic missions sa Abu Dhabi o sa Dubai at sa DFA sa Maynila at hindi kung saan-saan lamang.