MANILA, Philippines - Tiniyak ni Jose de Venecia III na hindi pa tapos ang kaso ng NBN-ZTE at walang puwang ang anumang mga haka-haka dahil may pagdinig pa tungkol dito.
Bagama’t sinasabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel na sarado na ang kaso, hindi naman ito sinang-ayunan ni Senator Alan Peter Cayetano dahil hindi humarap si Ruben Reyes sa Blue Ribbon Committee na sinasabing “bagman” ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.
Ang negosasyon ng ZTE-NBN ay tinawag na pinakamalaking panlilinlang, o “scam” sa paga-apruba ng mga kontratang kinasasangkutan ng pamahalaan.
Isiniwalat ni de Venecia na may koneksyon ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan para siguradong makalusot at maaprubahan ang ZTE. Pinatunayan ito ng mga dokumentong isinumite niya sa Blue Ribbon committee.
Dahil sa mga pagsisiwalat na ito ni de Venecia, napilitan si Pangulong Gloria Arroyo na ibasura ang kontrata ng ZTE tatlong linggo matapos ang imbestigasyon ng Blue Ribbon. Nagbitiw naman si Abalos sa panunungkulan sa Comelec. (Butch Quejada)