MANILA, Philippines - Hinamon ng Confederation of Government Employees’ Organizations (COGEO) si Sen. Panfilo Lacson na patunayang legal ang pagkakabili ng Best World (BW) shares nang hindi gumagamit ng pondo ng Philippine National Police.
Pinuna ni COGEO Chair Atty. Jesus Santos na ang 300,000 BW shares na ibinigay lamang umano kay Lacson ng may-ari ng BW na si Dante Tan ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P9 milyon sa P30 bawat share nang maganap ang transaksiyon.
Kung wala umanong itinatago ang senador, walang dahilan para hindi niya mapatunayan agad na legal ang pagkakabili niya sa BW shares.
“Si Mr. Lacson ay hepe lamang noon ng Philippine National Police, posisyon na alam nating lahat na hindi naman nagbibigay ng milyones sa suweldo o benepisyo. Saan niya kinuha ang pambili niya ng BW shares?
Lubhang kataka-taka naman, ayon kay COGEO President Flor Ibanez, na kailangan pang hintayin muna ni Lacson ang mga mangyayari pa sa imbestigasyon ng Dacer-Corbito double murder case bago niya patunayang malinis niyang nabili ang BW shares. (Butch Quejada)