MANILA, Philippines - Sumabit pa rin ang pa ngalan ni Senador Panfilo Lacson sa kaso ng Best World (BW) Resources Corporation ng negosyanteng si Dante Tan na naakusahan ng price manipulation noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Ito ang nahiwatigan sa isang sulat ni Tan sa AT DE CASTRO Securities Corporation na nag-aatas sa stock brocker na si Raul de Castro na ilipat sa pangalan ng ilang tao ang 1,200,000 shares ng BW stock.
Sa sulat, nakasaad na 300,000 shares ang mapupunta kay Lacson na hepe nang panahon na iyon ng Philippine National Police at ng buwag na ngayong Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Ayon sa impormante, nang pumutok ang iskandalo sa BW noong panahon ng administrasyong Estrada, ang publicist na si Salvador Dacer ang public relation man ni Tan.
Bago nakidnap at pinatay si Dacer at ang driver niyang si Emmanuel Corbito sa Cavite noong 2000, patungo sana siya sa Manila Hotel para makipagkita kay dating Pangulong Fidel Ramos at ibigay dito ang mahahalagang dokumento na nagbubunyag sa pagkakasangkot ng ilang mataas na personalidad sa kaso ng BW na lumikha ng iskandalo sa Philippine Stock Exchange.
Kaugnay nito, sinabi ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa isang pulong-balitaan kahapon na maaaring magkaugnay ang pagkakapaslang kina Dacer at Corbito at ang kaso ng BW.
Si Lacson at ang ilan niyang mga dating tauhan sa PAOCTF na sina Police Supts. Michael Ray Aquino, Glenn Dumlao, at Cesar Mancao ay pawang isinasangkot sa pagpaslang kina Dacer at Corbito.
Sa nabanggit na sulat ni Tan, kabilang pa sa tatanggap ng 300,000 shares sina Faustino Salud, Benito Salazar at Teodoro Enrtiquez/Buenaventura Peralta.
Kinumpirma ni de Castro sa isang panayam sa telepono na pinadalhan nga sila ng sulat ni Tan.
Nagpahayag si de Castro ng pagkadismaya dahil nagawa ni Tan na makalabas ng bansa samantalang sila ay naiwan dito sa Pilipinas at limang taon nang nililitis.
“Sa loob ng limang taon, humaharap kami sa korte dahil sa usapin na lisensyado naman naming gawin. Iyon ang trabaho namin. Nadamay ang pangalan ng aming angkan na para bang kasama kami sa swindling scheme. Kailangan ko pang magpiyansa ng P3 milyon. Nagpapasalamat ako na naabsuwelto kami pero muling bumabalik ang kaso. Hindi ko alam kung saan ito mapupunta,” sabi ni de Castro.
Nabatid din na noong Hulyo 1999, ang presyo ng bawat stock ng BW ay mula P30 hanggang P35. Tumaas ito sa P130 bawat share noong huling bahagi ng Nobyembre ng taon ding iyon.
Sinabi pa ni de Castro na hindi lang ang AT DE CASTRO ang stock broker ng BW. Meron pa anyang iba.
Sinasabi ng ilang impormante na maaaring mahigit pa sa 300,000 shares ang tinanggap ni Lacson mula kay Tan.
Napaugnay ang Dacer-Corbito murder case sa kaso ng BW dahil sa isang affidavit ni Dumlao na nagsasaad na inutos sa kanya ni Aquino na manmanan si Dacer.