MANILA, Philippines - Tututukan ng Department of Education (DepEd) ang pagpupurga sa milyong estudyante sa elementarya sa darating na pasukan upang maibaba ang bilang ng mga mag-aaral na lumiliban sa klase dulot ng bulate.
Sinabi ni Secretary Jesli Lapus na nakapaloob ito sa programa nilang “Essential Health Care Project” kung saan kasama rin dito ang pagsugpo sa problema sa sakit sa ngipin, pagtatae, at sakit sa baga.
Sa ilalim ng programa, mamimigay ang DepEd sa mga “pre-school hanggang Grade 6 na estudyante ng mga package na naglalaman ng toothbrush, toothpastes, at sabon na nagkakahalaga ng P25. Bukod dito, magsasagawa rin ang kagawaran ng pagpupurga sa mga estudyante dalawang beses sa isang taon kung saan manggagaling ang mga “deworming tablets” sa Department of Health.
Tututukan din ang pagtuturo sa mga mag-aaral sa araw-araw na paghuhugas ng kamay at pagsisipilyo ng ngipin hanggang sa makasanayan at maging gawi na ng mga bata.
Una nang ipinatupad ang naturang programa sa Cristo Rey Elementary School sa Capas, Tarlac bilang “pilot project” at iniimplementa na sa 20 lalawigan noong nakaraang taon kung saan nabiyayaan ang higit sa 600,000 mag-aaral. (Danilo Garcia)