Inalerto ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang tropa ng militar sa planong paglulunsad ng diversionary attacks tulad ng pambobomba at pagdukot ng panibagong bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf upang ilihis ang atensyon ng puwersa ng gobyerno sa hostage crisis sa lalawigan ng Sulu.
Sinabi ni Teodoro na hindi malayong gumamit ng diversionary tactics ang mga kidnappers na patuloy na bumibihag kina International Committee of the Red Cross staffers Swiss national Andreas Notter at Italian national Eugenio Vagni upang ilihis ang ‘military pressure ‘na ipinatutupad ng Armed Forces of the Philippines sa pagkokordon sa pinagkukutaan ng mga kidnappers sa bayan ng Indanan.
Ayon sa Kalihim, tuluy-tuloy ang ipinatutupad na military pressure upang maiwasang makapag sagawa ng muling pangingidnap ang mga bandido sa mga sibilyan at iba pang potensyal na target .
Bukod dito, ayon naman kay ICRC Spokesman Lt. Col. Ed Arevalo, umalerto na sila kasunod naman ng intelligence report na magsasagawa ng pambobomba ang mga bandido. (Joy Cantos)