MANILA, Philippines - Humihingi umano ng $5 milyong ransom ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) kapalit ng pagpapalaya sa dalawa pang nalalabing bihag na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) sa lalawigan ng Sulu.
Ito ang nabatid kahapon base sa dokumentong napasakamay ng mga mediamen sa Defense Press Corps.
Sa nasabing dokumento ay nakumpirma ring nagbayad ng P20 milyong ransom para mapalaya si ABS-CBN reporter Ces Drilon at dalawa nitong crew na dinukot noong Hunyo 8, 2008 ng mga bandido sa Maimbung, Sulu.
Ang pagdukot sa 3 ICRC member at sa ABS–CBN news team ay pawang isinagawa ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad na may $15M reward mula sa US government kapalit ng pagkakadakip o paglipol dito.
Nang hingan ng reaksyon, sinabi naman ni Lt. Col. Edgard Arevalo, spokesman ng ICRC hostage crisis na wala silang nalalaman sa sinasabing paghingi ng $5-M ransom ng Abu Sayyaf.
Nanindigan pa ang opisyal na nananatili ang ‘no ransom policy‘ ng gobyerno sa naturang hostage crisis. (Joy Cantos)