MANILA, Philippines - Ideya lamang ng isang provincial jail guard ang pagkidnap sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) at hindi ng Abu Sayyaf.
Ito umano ang dahilan ng lumalalim na hidwaan sa pagitan ng nag-aaway na mga lider ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno, base sa intelligence report, ang jail guard na si Raden Abu ng Sulu Provincial Jail ay nagalit umano dahil nabulilyaso ang proyekto nito kaya hiningi ang tulong ng kaniyang pinsang si Doc Abu para isagawa ang kidnapping.
Ang nasabing jailguard na naunang naaresto ay siyang itinuturong mastermind sa kidnapping ng 3 ICRC volunteers na nagpasa sa mga bihag sa kustodya ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Ang paksyon naman ni Abu Kumander Albader Parad ay inatasan ni Abu Jumdail alyas Doc Abu Pula na siyang humawak ng kustodya sa mga bihag na ICRC members.
Si Parad ang sinasabing sub–leader ni Doc Abu Pula sa hirarkiya ng Abu Sayyaf Group.
“I don’t think frankly that any decision they have made recently ( kidnapping ng ICRC members) has been a result of group thinking. I think that this has been a knee-jerk decisions and so I think right now they’re probably not to unified in the way they are making decisions,” ani Puno.
Ang isa pang lider ng mga bandido na si Yasser Igasan ay wala umano sa lugar kung saan itinatago nina Doc Abu Pula at Parad ang dalawa pang nalalabing hostages sa Mt. Tukay, Indanan, Sulu.
Samantalang nakaposisyon naman ang grupo ni Radulan Sahiron sa silangang bahagi ng lalawigang Sulu na malayo sa kinaroroonan nina Parad.
“Our sources are saying that there is now grumbling among them because this kidnapping did not begin with the ASG because it began with a provincial jail guard,” ayon pa sa Kalihim.
Nanatili pa ring bihag sina Swiss Andreas Notter at Italian Eugenio Vagni matapos palayain noong Huwebes ng gabi ang Pinay Engineer na si Mary Jean Lacaba. (Joy Cantos)