MANILA, Philippines - Apat na senador ang isasalang sa Senate Committee on Ethics sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Abril 13.
Kabilang sa mga may hinaharap na reklamo sina Sens. Antonio Tril lanes IV kaugnay sa Manila Peninsula siege; Sen. Manny Villar kaugnay sa double insertion o conflict of interest; Sen. Richard Gordon dahil sa ‘double job’ na siya ring presidente ng National Red Cross, at kung sino ang senador na nagpapasok kay DBM Secretary Rolando Andaya sa executive session na hiningi ni dating NEDA chief Romulo Neri kaugnay sa broadband scandal.
Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng komite, na nagpasabi na siya sa committee secretariat at nagpadala ng notice sa mga senador na inirereklamo.
Magsisimula sa Abril 15 ang hearing na ipapatawag ni Lacson na kaagad susundan sa Abril 22.
Samantala, kinumpirma rin ni Lacson na meron silang isang kasamahang senador na kumubra ng napakalaking halaga ng cash advance sa loob ng tatlong (3) buwan na umaabot ng P3 milyon kada buwan.
Dapat aniyang malaman ng publiko kung saan napupunta ang pondo ng Senado at kung sino ang kumukuha ng mga representation at discretionary fund na walang basehan. (Malou Escudero)