MANILA, Philippines - Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Dutch national na una nang inireklamo ng kaniyang Pinay na asawa, dahil sa ilang ulit na pagdadala ng kaniyang mga babae mismo sa kanilang tahanan.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, maliban sa harapang pambababae ni Edzart Pieter Jan Zwaal, 68-anyos, minamaltrato at sinasaktan din nito ang asawa.
Batay sa affidavit ng asawa ng dayuhan, mahigit dalawang taon na siyang nakararanas ng pang-aabuso mula sa asawa.
Nakilala umano niya si Zwaal sa Netherlands kung saan nagtrabaho ang Pinay bilang domestic helper sa loob ng 14 na taon.
Naging mag-live in partner umano sila ng dayuhan simula pa noong March 2006.
Ayon sa reklamo, madalas umanong magdala ng prostitute ang dayuhan sa kanilang sariling pamamahay.
May pagkakataon pa umanong pinaaalis ng dayuhan ang anak ng Pinay sa kaniyang unang asawa, para lamang magamit ang kwarto nito kasama ang kaniyang mga babae.
Ayon pa sa biktima, alcoholic ang naturang dayuhan at lagi siyang binubugbog tuwing uuwi ng lasing.
Si Zwaal ay inireklamo na ng kasong paglabag sa anti-violence against women act sa pulisya ng Sta. Rosa, Laguna.
Ito ay kaugnay ng insidenteng naganap noong Sept. 2007, kung saan paulit-ulit umanong sinuntok ng dayuhan ang Pinay na asawa, kinaladkad palabas ng asawa at tinakot na siya ay papatayin. (Gemma Amargo-Garcia)