MANILA, Philippines - Ilang araw bago magtapos ang deadline na hanggang Martes (Marso 31), iginapos na ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang tatlong bihag na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) upang ihanda kaugnay ng kanilang banta na pupugutan ng ulo ang isa sa mga ito kapag hindi nag-pullout ang tropa ng militar sa lalawigan ng Sulu.
Sa ipinakalat na footage ng Abu Sayyaf ay mapapanood na nakagapos na ang tatlong biktima habang tinututukan ng armas ng mga maskaradong lalaki kung saan iwinagayway na rin ng kanilang mga berdugo ang banderang kulay itim ng ISLAM at ang umano’y Kris na gagamitin sa pagpugot ng ulo ng isa sa mga bihag na sasampulan ng mga ito.
Base sa impormasyon, ang tatlong bihag ay mahigpit na binabantayan ng may 100 mga armadong tauhan nina Abu Sayyaf Commander Albader Parad at Doc Abu Pula sa kagubatan ng Indanan, Sulu.
Kasabay nito, umapela naman si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., sa mga kidnaper na huwag gawing mala-eksena sa pelikula ang pagpapahirap sa mga hostages.
“Buhay ang pinag-uusapan natin dito, this is not a simple scene in the movie, mas mabuting huwag nilang ituloy ang kanilang banta,“ ani Teodoro na sinabi pang titiyakin ng gobyerno na mananagot sa batas ang mga bandido kapag may nangyaring masama sa mga bihag.
Nanawagan din si Geneva based ICRC President Jakob Kellenberger sa mga bandido na palayain ng walang kapalit na anumang kondisyon ang tatlo nilang miyembro.
“I am very concerned by the threats of the kidnappers. I am asking for their safe, unconditional and immediate release,” pahayag nito sa kanilang ICRC Web site.
Ang tatlong ICRC members na 74 araw na ngayong bihag ay kinabibilangan nina Swiss national Andreas Notter, Italian Eugenio Vagni at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba na pawang dinukot sa bayan ng Patikul, Sulu noong Enero 15.
Pullback ng tropa sa loob ng 36 oras
Dahil sa tumitinding banta ng pamumugot ng ulo, nakahanda nang mag-pullback ang tropa ng militar na nakapalibot sa kaguba tan ng Indanan, Sulu.
Ayon kay DILG Secretary Ronaldo Puno, makukumpleto ang pull-back ng tropa sa loob ng 36 oras upang bigyang daan ang pagpapalaya sa isang bihag.
“I think we are more than bending over backwards in order that the kidnappers will not feel threatened,” paha yag ni Puno kung saan ang pag-atras ng tinatayang 600–800 sundalo, pulis at mga militiamen na nagkokordon sa pinagtataguan sa mga hostages ay magsisimula sa Sabado sa pagbalik ni Jolo Gov. Abdusakur Tan sa Sulu.
Kaugnay nito, tiwala naman sina Teodoro at Puno na tutuparin ng mga bandido ang kanilang pangako na palayain ang isa sa mga hostages kapag nagsiatras ang tropa ng gobyerno sa lugar.
Sina Teodoro at Puno ang pinahihintulutan ng Malacañang na magsalita sa hostage crisis pansamantala habang nasa kritikal na level ang sitwas yon sa lalawigan.