MANILA, Philippines - Wala nang kontak ang hostage crisis committee sa tatlong kagawad ng International Committee of the Red Cross na binihag ng bandidong Abu Sayyaf.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame kaugnay ng ultimatum na hanggang Marso 31 na itinakda ng Abu Sayyaf para umalis sa Sulu ang militar. Nagbanta ang mga bandido na pupugutan nila ang mga bihag kapag hindi sila nasunod.
Sinabi ni Puno na noon pang Miyerkules huling nakausap ng crisis committee ang mga bihag na sina Andreas Notter, Eugenio Vagni at Marie Jean Lacaba na 72 araw nang bihag ng mga bandido.
Namumuno sa komite si Sulu Governor Abdusa kur Tan.
Kaugnay nito, umapela rin muli si ICRC Alain Aes chlimann, Head of Operations for East Asia, South East Asia and the Pacific, sa tropa ng pamahalaan na ipatupad ang ‘total pullout’ na hinihingi ng mga bandido upang hindi malagay sa peligro ang mga bihag.
Nanawagan rin ito muli sa mga kidnappers na pakawalan na ang tatlong bihag sa lalong madaling panahon na walang hinihinging anumang kondisyon.
Pero idiniin ni Puno na hindi isusuko ng pamahalaan sa Abu Sayyaf ang Sulu.
Ayon kay Puno, imposible at wala sa katwiran ang hinihingi ng mga bandido na paatrasin sa Indanan at tipunin lang sa kapitolyo ng Sulu ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines.
Nauna nang nagbabala si Abu Sayyaf Commander Doc Abu Pula na pupugutan ng ulo ang isa sa mga bihag kapag hindi nilisan ng tropa ng militar ang ilang mga istratehikong lugar na binabakuran ng mga sundalo. (Joy Cantos)