MANILA, Philippines - Pumalag kahapon ang korporasyong namama lakad sa GOTESCO at inakusahan ang gobyerno na nakikipagsabwatan sa kalaban nilang mall na naging dahilan para samsamin ng pamahalaang lokal ang kontrobersyal na GOTESCO Grand Central Mall sa Caloocan City.
Ayon kay Atty. Trixie Angeles, tagapagsalita ng Gotesco, kinuha ng pamahalaang-lokal ng Caloocan ang kanilang mall para paboran ang Victory Mall na pag-aari ng alkalde ng lunsod na si Recom Echiverri.
Sinabi ni Angeles na marami sa mga residente ng Caloocan ang naniniwala na ‘business rivalry’ ang isa sa mga dahilan sa tangka ng pamahalaang lokal na samsamin ang Gotesco mall.
Idinagdag niya na ang Victory Mall ang makikinabang sa pagsara o pagkabalam ng operasyon ng Gotesco.
Pinabulaanan ni Angeles ang akusasyon ng pamahalaang lokal na may utang na P722.3 milyong real property tax ang kanilang mall.
Iginiit ni Angeles na nakuha ng Gotesco ang titulo sa loteng pinagtayuan ng mall noong Sept. 19, 2008. Dahil dito ay walang karapatang legal ang Caloocan na patawan ang Gotesco ng real property taxes sa huling 23 taon na aabot sa P722.3 million na gustong masingil ng Caloocan.
Sinabi ng Gotesco na umuupa lamang ito sa Caloocan sa naturang lote hanggang sa ito’y tuluyan nang ipagbili noong September sa Gotesco. Ang bilihan ay na-finalized sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Gotesco at Caloocan, at ang presyo ay itinali sa P182,085,078. (Ludy Bermudo)