MANILA, Philippines - Naalarma na ang Simbahang Katoliko sa Davao City sa pagkasawi ng daan-daang katao sa lungsod mula nang magsimulang mag-operate ang vigilante group na Davao Death Squad noong huling bahagi ng dekada 90 at muling bumalik ngayon 2008 at 2009.
Dahil dito kaya hinikayat ni Fr. Pete Maniwan ang mga testigo na lumutang at ituro kung sino ang mga dapat na managot sa krimen. Napapanahon na anya upang umaksyon ang mga mamamayan.
Kaugnay nito, humihingi naman ng proteksyon mula sa Commission on Human Rights (CHR) si Jonie Antonio, 21, ng Mineral Village, Davao City na dinukot ng DDS kamakailan upang itumba ngunit maswerteng nakaligtas.
Si Antonio ay pinaniniwalaang magiging susi upang malutas ang summary killings sa lugar subalit nangangamba ngayon na babalikan ng grupo at papatayin din tulad ng ginawa ng mga ito sa kanyang dalawang kasamahan, kaya hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano lumulutang ang biktima upang maghain ng pormal na reklamo laban sa mga suspek. (Mer Layson)