MANILA, Philippines - Bilang hakbang para ipatupad ang ligtas na pagmomotorsiklo sa buong kapuluan, pormal na isinulong ni Senador Bong Revilla ang pagpasa ng kanyang Mandatory Helmet Bill na mag-oobliga sa lahat ng mga driver at back rider ng motorsiklo na magsuot ng standard quality helmet.
Sa kanyang sponsorship speech kahapon, pinunto ni Revilla na kahit ang Department of Health (DOH) at ang Asian Development Bank ay nagpahayag ng pagkabahala para sa pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa motor siklo sa bansa sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon sa senador, umaabot sa 3.5 milyon ang rehistradong motorsiklo sa Pilipinas na sumasaklaw sa 45 porsiyento ng lahat ng rehistradong sasakyan sa bansa.
Tinukoy pa ni Revilla ang datos na nakalap ng Traffic Operation Center ng Metro Manila Development Authority (MMDA) mula Enero hanggang Disyembre 2008, na nagpapakita na ang motorsiklo ang may pinakamataas na fatality rate sa aksidente sa kalsada.
Binunyag pa ng mambabatas na ang Thailand na kalapit-bansa ng Pilipinas, ay nagkaroon ng 40 porsiyento pagbaba sa mga head injuries ng mga nagmomotorsiklo at 24 porsiyento pagbaba ng mga motorcyclist deaths matapos na ipinasa sa north-eastern province ng Khon Kaen ang batas hinggil sa obligadong pagsuot ng helmet.
Sa ilalim ng Senate Bill 1863, lahat ng motorcycle riders, driver man o back rider, ay dapat magsusuot ng standard quality helmet, malayo o malapit man ang biyahe, sa anumang oras at uri ng kalsada, Itsa-puwera rito ang mga driver ng tricycle. (Malou Escudero)