MANILA, Philippines - “Hindi nakamit ng pamilya Aquino ang tunay na hustisya!”
Ito ang inihayag kahapon ng pamilya ni dating pangulong Corazon Aquino matapos na pagkalooban ng pardon ni Pangulong Arroyo ang 10 akusado sa pagpatay sa asawa ng una na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.
Ayon kay Sen. Benigno Aquino III, tila gumanti lamang si GMA sa kanyang ina dahil sa pagsama nito sa mga grupong humihiling na mapatalsik ang huli sa pagkapangulo.
Aniya, nakakalungkot isipin na hindi nakaligtas sa mga mata ni Mrs. Arroyo na gantihan ang isang taong nagbuwis ng buhay para magkaroon ng demokrasya ang bansa.
Gayunman, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng anumang komento ang dating pangulong Aquino.
Ikinatuwiran ng Malacañang na karapatan ng 10 akusado na mabigyan ng pardon o parole dahil napagserbisyuhan na ng mga ito ang halos 40-taong pagkakakulong na ipinataw sa kanila ng korte.
Pinaboran din ni Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commision on Prison Pastoral Care Executive Secretary Rodolfo Diamante ang pagpapalaya sa 10 akusado.
Ayon kay Diamante, sapat na umano ang 26 taong pagkakakulong sa loob ng Maximum Security sa New Bilibid Prison kaya’t panahon na upang mabigyan naman ng pagkakataong makapagbagong buhay ang mga sinintensiyahang sundalo.
Bagama’t naiintindihan ni Diamante ang nais ng pamilya Aquino, hindi rin umano makatarungan na manatili ang mga akusado sa NBP gayong wala naman silang dapat na aminin.
Itinanggi di ni Diamante na may halong pulitika ang pagpapalaya dahil hindi naman agad binigyan ni Mrs. Arroyo ng executive clemency ang mga ito.
Dapat din umanong ikonsidera ang ipinakitang pag-uugali ng mga akusado sa loob ng kulungan.